Biyernes, Agosto 27, 2021

LENGGWALIHA: TAGAPAGTANGGOL NG WIKA (Adbokasiya)

"Manindigan at Ipaglaban: Filipino Sa Tersyaryang Lebel"

Kumakailan lamang ay nakapagsatuparan ang Korte Suprema na maglabas ng isang temporary restraining order kontra sa Commission on Higher Education (CHED) Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013 na nagsusulong na tanggalin ang ilang asignatura sa tertiary education tulad na lamang ng wikang Filipino, Literatura, at Philippine Government & Constitution. Sa kasalukuyang panahon, ang pag unawa at ang kakayahang umintindi ng mga magaaral ng mga simpleng salita na naaayon sa wikang Filipino ay hindi pa lubusang sapat upang maunawaan at  gumamit ng higit pang komplikadong salita na lubusang nagagamit sa bansang Pilipinas.

Kaya naman binuo ang LENGGWAHILA ng mga tagapagtaguyod na magaaral na nais magbigay kilos upang tuluyang maisabasura ang CMO No. 20 at maipaglaban ang pagpapanatili ng wikang Filipino sa mga asignatura at panitikan na tinuturo sa kolehiyo.


Manindigan At Ipaglaban

Mithiin ng Adbokasiya

Minimithi ng aming adbokasiya na panatilihin at mabigyang sigla ang ating wika lalo na sa Asignaturang Kolehiyo para sa isang minimithi na, maging wikang intelekwalisado ang wikang Filipino.

Layunin ng Adbokasiya

Nilalayon ng aming adbokasiya na mabigyang supporta ang wika para hindi tuluyang matanggal sa Kolehiyo. Kasama namin sa tungkulin ng kampanya ang magsagawa, mag coordinate at magsulong ng mga pagsasaliksik para sa kaunlaran. Pagpapalaganap at pagpapanatili ng wikang Filipino bilang wikang Pambansa at wikang Panturo sa Asignatura lalo na sa Kolehiyo.


Makikita sa parteng ito ng aming adbokasiya ang mga inaasahang resulta ng kinalabasan ng aming pananaliksik tungkol sa Manindigan at Ipaglaban: Filipino sa Tersyaryang Lebel.

Sa inaasahang resulta ng aming pananaliksik ay nalaman namin ang kahalagahan ng pagpapanatili ng wikang Filipino sa kolehiyo at kung bakit ito ang dapat gamitin sa pagtuturo sa ibang asignatura. Nais namin ipaalam na sa pamamagitan nitong aming pananaliksik ay mamumulat ang inyong mga mata na ang wikang Filipino ay napakahalagang asignatura sapagkat ito ang humuhubog sa ating pagka Pilipino. Hindi rin makakaila na maraming mga Pilipino ang ikinahihiya ang sariling wika at binibigyang pansin ang ibang wika. Kaya kami ay naniniwala na dapat lamang ipagpatuloy ang pagtuturo ng wikang Filipino sa kolehiyo upang mas lalong makabisa ng mga Pilipino ang importansya ng wikang Filipino. Kilala ang mga Pilipino na palaban kaya nararapat lamang nating ipaglaban ang sariling atin lalo na ang wika natin dahil ito ang simbolo ng ating pagkapilipino may paninindigan at hindi papasupil.

Makatutulong ang aming pananaliksik sa kapwa namin mag-aaral at sa mga gustong magsaliksik tungkol sa Manindigan at Ipaglaban: Filipino sa Tersyaryang Lebel. Makikita dito ang resulta ng aming pananaliksik at malalaman nila ang kahalagahan kung bakit dapat hindi mawala ang wikang Filipino sa pagtuturo ng asignatura sa kolehiyo.

Link: https://www.facebook.com/Lenggwahila-Tagapagtanggol-ng-WIKA-101789368905746\
M.Lucas | M. Macapillar | J. Mirandilla |B. Rasing | M. Gabito
2021




Huwebes, Agosto 26, 2021

“TUNAY NA HUSTISYA”

 “TUNAY NA HUSTISYA”

Link: https://youtube.com/watch?v=T4vNLxDpnW4&feature=share

Gabi ng Agosto adisisais

Isang trahedyang naganap ang hindi kanais nais

Halos apat na taon na ang nakakaraan

Pero hanggang ngayon, mga kaganapang ito’y ‘di parin matuldukan


Gabi ng Agosto adisisais

Isang kaganapan sa pagitan ng isang bata at tatlong pulis

Ang nangyari sa hindi lamang sa Caloocan

At pwedeng mangyari kahit kanino man


Gabi ng Agosto adisisais isang batang lalaki ang kinapkapan,

Sinuntok, sinikmurahan, sinampal kaliwa’t kanan

Ang dinakip kung saan

Pala’y magsisilbing kanyang huling hantungan


At sa kanyang huling mga sandali

Tinatanong sa sarili kung anong nagawang mali

“Tama na po mamang pulis” ang sambit sambit ng kanyang mga labi

Ngunit sa madilim na eskinita siya’y itinabi


Sa hangad na siya’y matulungan,

Mga nambugbog , kanyang nilapitan

Ngunit dalawang pulis malakas na nagsitawanan

Sa huli’y siya pa ay binilangan


Isa, mga baril ay ikinasa, binigyan ng baril para daw masabing nanlaban siya

Dalawa, nangininig, pilit paring nagmamakaawa, gustong ng makawala

Tatlo, binilangan nang tatlo upang kumaripas ng takbo

Apat, Bang! Ginawa ang hindi naman karapat-dapat

Lima, walang awang pinaputukan, limang bala’y tumagos sa kanyang katawan

Anim, droga sa kanya ay itinanim

Pito, mistulang normal nalang sakanila ito

Walo, hanggang kelan magiging ganito

Siyam, hindi, sampung libong inosenteng buhay ang pumanaw na dahil dito


Hanggang kailan

Hanggang kailan magpapatuloy ang mga putukan

Hanggang kailan

Hanggang kailan magpapatuloy ang iyakan

Hanggang kailan

Hanggang kailan magpapatuloy ang mga hiyawan

Hanggang kailan

Hanggang kailan dadaloy ang dugo sa daan

Hanggang kailan


Sa kabila ng patuloy na kampanya kontra droga

Laging tatandaan na ni minsan ay hindi naging makatarungan

Ang pumatay ng walang basehan

At tanging ang Diyos lamang at hindi ang bakal na kamay

Ang pwedeng bumawi ng isang buhay


Gabi ng Agosto adisisais

Isang trahedyang naganap ang hindi kanais nais

Halos apat na taon na ang nakakaraan

Pero hanggang ngayon, mga kaganapang ito’y ‘di parin matuldukan


Kasabay nang libo libong mga namatay

Inosenteng buhay na nawalan ng saysay

Dalangin ng kanilang mga pamilya

Kailan kaya namin makakamit ang tunay na hustisya

-M.Lucas, 2021.




Sabado, Hulyo 24, 2021

“Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino”




"Dayuhan Sa Sariling Wika"-M. Lucas

  Kung ikaw ay isang probinsyanong katulad ko ay minsan mo din bang napansin na tila'y naiintindihan ng isang tao ang iyong sinasalita kahit wikang Filipino lamang ang alam nito? Ito ay marahil sa kadahilanang ang wikang pambansa ay binubuo ng mga pinagsama-samang wika ng iba't ibang rehiyon, wika ng mga katutubo, at Tagalog. Ngunit sa paglipas ng panahon, ano na nga ba ang kalagayan nga wikang Filipino at wikang katutubo? Ano ang negatibong dulot ng hindi pagpapahalaga sa mga wikang ito at sa papaanong paraan mababago ng dekolonisasyon ang pagiisip ng mga Pilipino?


    Sa pagtatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, umusbong at lumago ang wika't kultura hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo. At sa panahon ngayon, maraming mga tao, bata man o matanda, ay nahuhumaling sa kdrama, kpop, anime, cartoons, series, atbp. Dahil sa hilig sa pakikinig at panonood nito, ilan nalang sa mga Pinoy ang gustong matutunan ang wika ng iba at aminado akong isa ako dito. Ang negatibong epekto nito ay imbes na linangin ang wikang sariling atin ay wikang banyaga ang gusto nating matutunan imbes na pagtuunang pansin ang wikang katutubo na sa paglipas ng panahon ay unti-unti nang nakakalimutan.

Thomas N. Headland
     Ayon kay Thomas N. Headland(2003),  habang tumatagal ay mas dumarami pa ang mga wikang namamatay at sa kasamaang palad, kabilang  dito ang ating mga wikang katutubo. Ang mga kadahilanan kung bakit halos wala nang gumagamit sa wikang ito ay iilan na lamang ang nagpapahalaga , nagpapanatili nito at dahil din sa tumataas na kaso ng deskriminasyon sa paraan ng pagsasalita. Hindi ito biro at isa ako sa nakaranas na sa deskriminasyong ito. Nakakalungkot lamang isipin na kababayan ko pa mismo ang gumawa saakin non. Dahil sa pangyayaring iyon, pinilit kong hindi na magsalita sa Ilokano at unti-unting inayos ang aking tono sa pagsasalita ng Tagalog. At pano pa kaya ang ating mga kapatid na kinukutya na patuloy paring nararanasan ang deskriminasyong ito habang nararamdaman ang pagiging dayuhan sa sarili nilang bansa.

Iba, Zambales 2018
     Disyembre taong 2018 noong kami'y nag Community Immersion sa isang pamayanan ng ating mga kapatid na Aeta sa Iba, Zambales. Dalawang araw at isang gabi ding kaming nanuluyan sa kanilang paaralan. Doon ay aming naranasang matulog, kumain, sumayaw, umawit, magdasal, at matuto sa isa't isa. Sa mga panahong iyon ay aking napagtanto ang kagandahan ng wika't kultura sa ating bansa. Minsan nga'y nakakatuwa silang pagmasdan at kakwentuhan dahil naaalala ko ang aking sarili nung unang na pilit ding sinisikap mag Tagalog upang maintindihan ng iba. Isa sa mga paraang naisip namin ay turuan nilang magsalita ng Sambal at ito'y isasalin sa Tagalog. Sa aming paglisan ay natira ang aming mga magagandang kasaranan at mga natutunan sa kagandahan ng kanilang wika at kultura. Kagandahang hindi dapat ikahiya't dapat ipagmalaki. Ito ang dekolonisadong pag-iisip at kaugaliang dapat makintal sa ating puso at isipan saan man tayo mapadapad.

     Tila ba'y mula noon at hanggang ngayon ay patuloy parin tayong nakakulong sa kolonyal na kaisipan at kaugalian. Ngayon ang tamang oras upang mamulat at kumawala sa isipang gumagapos at naghuhudyok saatin upang ikahiya ang iba't ibang wika at kultura ng bansa. Nararapat lamang na atin ding bigyang respeto, pagtangkilik, at pagkilala ang katutubong wika't kultura. Naiiba man tayo ng pinagmulan, itsura, pananamit, sinasalita, huwag na huwag nating kakalimutan na "Tayo'y mga Pinoy, tayo'y hindi kano, at huwag mahihiya kung ang ilong mo ay pango".





"Iisang Wika, Iisang Bansa"

Iisang wika, iisang bansa

Mayaman ka man o maralita

Dapat tayo ay magkaisa

Sa diwa at gawa dapat ay ipakita

 

Sa paglipas ng panahon

Pagkakaisa ba’y batid pa ngayon?

Sa pagdaan ng maraming taon,

Ito ba’y ginagawa pa nating layon?

 

Mayroong mga naliligaw ng landas

Ang iba’y nananatiling nasa itaas

Panghuhusga ng mundo ay wagas

Hindi na ito mabibigyan ng wakas

 

Kung ang hindi marunong magmahal ng wika

Ay mas malansa pa sa isda,

Paano na kaya ang iba nangibang bansa

Na kinalmutan na pati sariling wika

 

Buong bansa’y ito ang kalagayan

Patuloy paring inaalipin ng mga dayuhan

Huwag natin itong hayaan,

Pagkaalipin dapat wak’san.






























LENGGWALIHA: TAGAPAGTANGGOL NG WIKA (Adbokasiya)

"Manindigan at Ipaglaban: Filipino Sa Tersyaryang Lebel" Kumakailan lamang ay nakapagsatuparan ang Korte Suprema na maglabas ng is...